Bilang bahagi ng makabuluhang pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng Lungsod ng Malabon, matagumpay na isinagawa ang Mega Job Fair 2026 sa Malabon National High School Auditorium. Mahigit limang daan na Malabueño ang dumalo, bitbit ang pag-asang makahanap ng hanapbuhay at makapagsimula muli.
Sa pangunguna ng Public Employment Service Office - Malabon (PESO) katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba’t ibang ahensya at employer, naging daan ang aktibidad upang mailapit ang oportunidad mula sa lokal at overseas employment, kasama ang one-stop-shop services para sa publiko.
Ayon kay PESO OIC Bb. Luziel Gutierrez:
"Sa kabila ng hamon dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krisis sa krudo, nananatiling prayoridad ng Pamahalaang Lungsod na magbigay ng agarang solusyon at magbukas ng pinto para sa kabuhayan ng bawat pamilyang Malabueño."
Dumalo rin at sumuporta si Mayor Jeannie Sandoval, na nagbigay ng mensahe sa mga aplikante:
“Sa Malabon, hindi na kayo ang maghahanap ng trabaho dahil kami na ang maglalapit nito para sa inyo.”
Nakiisa rin si Konsehal Gerry Bernardo bilang suporta sa pagsusulong ng serbisyong pangkabuhayan.
Ang Mega Job Fair ay konkretong hakbang para sa bukas na oportunidad, diretsong akses, at mas malinaw na landas tungo sa magandang kinabukasan ng bawat Malabueño.
#MegaJobFair2026 #25AnibersaryoNgMalabon #MalabonAhon











