Ngayong araw, unang inilunsad sa Barangay Potrero ang “Yes to Ayos” Program ng MMDA sa pangunguna ni Chairman Atty. Romando Artes, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval, kasama si Kapitan Sheryl Nolasco, patunay ng matibay na pagkakaisa para sa kaayusan sa komunidad.
Layunin ng programa na palakasin ang disiplina sa pamamagitan ng simpleng gawain tulad ng tamang pagtawid, pagsunod sa traffic rules, maayos na pagpila, at wastong pagtatapon ng basura, sa ilalim ng sampung “Yes” rules.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie Sandoval na higit pa ito sa kampanya:
“Ang ‘Yes to Ayos’ ay panawagan ng malasakit sa komunidad. Nagsisimula ang kaayusan sa maliliit na bagay at sa pakikiisa ng bawat mamamayan.”
Ayon naman kay Chairman Artes, ang paglulunsad nito sa Potrero ay patunay na kayang maisakatuparan ang ganitong disiplina sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Ipinakita rin ng Barangay Potrero ang pagiging model barangay sa kanilang 92.6% compliance sa RA 9003 at patuloy na pagsulong ng waste management. Kasabay ng launching ang sabayang paglilinis ng kalsada at kanal, at ang Mobile Materials Recovery Facility (MMRF) kung saan maaaring ipalit ang basura sa pangunahing pangangailangan.
Mahigit 300 katao mula sa iba’t ibang sektor: kawani ng MMDA, LGU, barangay, kabataan, senior citizens, at iba’t ibang organisasyon ang nakiisa sa makabuluhang aktibidad.
Bilang simbolo ng pagkakaisa, isinagawa ang proof of commitment sa pamamagitan ng isang photo opportunity kasama sina Chairman Artes, Mayor Jeannie Sandoval, Vice Mayor Edward Nolasco, Kapitan Sheryl Nolasco, City Administrator Dr. Alexander Rosete, at iba pang opisyal.
Sa bawat simpleng “Yes,” unti-unti nating binubuo ang isang mas maayos, mas malinis, at mas disiplinadong Malabon, isang adhikain na matagal nang isinusulong ni Mayor Jeannie Sandoval para sa isang mas maunlad na lungsod.
#MalabonAhon#SerbisyongMayMalasakit#YesToAyos#MMDA
















