Opisyal nang binuksan ang Malabon Pasalubong Center Trade Fair ngayong Abril 21, 2026 sa 3rd Floor Activity Center ng Fisher Mall Malabon, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng pagkalungsod.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie Sandoval na ang Pasalubong Center ay hindi lamang pagdiriwang ng kasaysayan at identidad ng Malabon, kundi isang konkretong hakbang upang mailapit ang mga produktong lokal sa mamamayan at higit pang mapalakas ang kabuhayan. Aniya, kapag umuunlad ang mga negosyante, kasabay ding umaangat ang buong lungsod.
Samantala, ibinahagi ni LEDIPO OIC Jasmin Mataya na ang pasalubong center ay tahanan ng kultura at tradisyon ng mga Malabueño. Binigyang-pugay naman ni First Gentleman Ricky Sandoval, may-akda ng Republic Act 9019 na kumilala sa Malabon bilang lungsod, ang kahalagahan ng ganitong inisyatiba sa pagpapatibay ng kulturang Pilipino. Kinilala rin ng DTI at Fisher Mall ang husay at potensyal ng lokal na MSMEs.
Isinagawa ang pagkilala sa mga exhibitors at ribbon cutting ceremony, kasama ang mga konsehal na sina Maricar Torres, Leslie Yambao, Sonia Lim, Payapa Ona, at Gerry Bernardo, City Administrator Alexander Rosete, at CTCAO OIC Catherine Larracas gayundin ang iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Tampok sa pasalubong center ang 10 MSMEs na nag-aalok ng iba’t ibang produktong gawang Malabon mula pagkain hanggang sa mga pangregalo bilang suporta sa patuloy na paglago ng lokal na negosyo.
Maraming Malabueño ang natuwa at nag-enjoy sa pamimili sa Malabon Pasalubong Center Trade Fair, na bukas hanggang Mayo 20. Inaanyayahan ang lahat na bumisita at tangkilikin ang sariling atin.
#MalabonAhon




















